Ang populasyon ngayon ng Pilipinas ay mga 92 milyon. Tayo ang 12th most populous country sa buong mundo. Kung idagdag pa dito ang 11 milyon na mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa eh, di 103 milyon na tayo. 28.1% sa atin ay Tagalog, 13.1% ay Cebuano, 9% ay Ilocano, 7.6% ay Bisaya, 7.5% ay Hiligaynon Ilonggo, 6% ay Bicol, 3.4% ay Waray, at 25.3% ay mula sa iba’t ibang ethnic groups kasama na dito ang Igorot, Lumad, Mangyan, Badjao, Manobo, Bogobo, Baluga at Aeta.
Dahil sa pagkakaiba ng ating ethnicity at salita, parang napakahirap maging makabayan. At mayroon pang ibang factors na naghihiwalay sa atin. Tayong mga Pilipino ay naninirahan sa tatlong island groups: Luzon, Visayas at Mindanao na nahahati sa 17 regions, 80 provinces, 138 cities, 1,495 municipalities, at 42,025 barangays.
Ang taong makadiyos ay magmamahal sa kanyang kapwa. Slowly but surely, siya ay magiging makatao at ito ang magtutulak sa kanya upang mahalin niya ang kanyang bayan. Ang Pilipinong makadiyos ay magiging makapilipino. Ang prosesong ito ay natural na mangyayari sa kanya sapagkat ito ay bahagi na ng plano ng Diyos sa kanyang buhay; tulad ni Cristo na nag-alay ng Kanyang sarili alang-alang sa Kanyang bayan, upang sila ay maligtas sa kanilang kasalanan. At ang bayan ni Cristo ay hindi lamang Hudyo kundi mga taong kabilang sa iba’t ibang wika, nasyon at tribo. Subalit, ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging makabayan?
Ang pagmamahal sa bayan, una sa lahat, ay may kinalaman sa pagpapasakop natin sa awtoridad kung saan tayo ay nakapailalim. Ang pagiging makadiyos ay pagkilala sa awtoridad at batas ng Diyos. Subalit tandaan natin na mayroong dalawang uri ng awtoridad. Ang una ay yaong ipinagkaloob – katulad nang iginawad ng Diyos Ama kay Cristo Jesus. Sinabi ni Jesus, Ibinigay na sa Akin ang kapamahalaan sa langit at sa lupa. Ang pangalawa ay yaong inagaw – katulad ng ginawa ni Lucifer nang tangkain niyang sakupin ang pamamahala ng Diyos sa sansinukob at pangunahan ang ibang mga anghel sa pagrerebelde laban sa Diyos. Hindi natin dapat sundin ang mga may gustong mang-agaw ng awtoridad ng may awtoridad.
Si Jesus na may kapamahalaan sa buong sansinukob ay nag-delegate ng pamamahala at awtoridad sa tatlong institution ng lipunan: ang tahanan, ang simbahan at ang gobyerno. Kaakibat ng awtoridad na ito ay ang malaking responsibilidad. Hindi maaari na ang awtoridad ay walang kalakip na responsibilidad. Ang mga nasa positions of authority na hindi nagsasakatuparan ng kanilang mga responsibilidad para sa ikabubuti ng mga nakapailalim sa kanilang kapamahalaan ay nag-iimbita ng kaguluhan. Ang makabayang Pilipino ay sumusunod sa batas ng Diyos, sa batas ng bayan at maging sa mga ordinansiya ng barangay.
Sa tahanan, ang mga magulang ay binigyan ng awtoridad upang pamahalaan nang maayos ang kanilang sambahayan. Ang lalaki ang pangulo ng kanyang asawa gaya ni Cristo na Siyang ulo ng iglesya na Kanyang katawan. Dahil matriarchal ang culturang Pilipino, kadalasan ay ipinauubaya ng mga kalalakihan ang pagpapatakbo ng tahanan sa mga kababaihan. Ang tawag ni mister kay misis ay commander. O kaya naman, si mister ang hari, subalit si misis ang alas. Pagdating sa pagdedesisyon sa loob ng tahanan, si misis ang may huling salita. Ang karaniwang dahilan ng mga mister ay para maiwasan ang gulo o pagtatalo sa loob ng bahay. Subalit iyon nga kaya ang tunay na dahilan? O baka naman excuse lamang nila iyon upang maiwasan nila ang responsibilidad ng pagdedesisyon patungkol sa mahihirap na bagay. Nang sa ganoon, hindi sila ang masisisi kung sakaling pumalpak ang naturang desisyon. Tulad ni Adan, nuong una pa man, ay si Eba ang sinisi sa nagawa niyang kasalanan. Ang Pilipinong makabayan ay hindi takot manindigan. Nalalaman niya na ang pagpapalakas ng pamilya ang simula ng pagpapalakas ng bayan. Handa siyang mag-pagal at magsakripisyo para sa ikatatatag ng kanyang pamilya.
Ang utos ng Diyos sa mga ama ng tahanan ay ito: Ang mga kautusan na ibinigay Ko sa inyo ay dapat ninyong isapuso at ipako sa isipan ng inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayo’y nakaupo sa loob ng tahanan, kapag kayo ay naglalakad, kapag kayo ay nakahimlay at kapag kayo ay bumabangon. Ang utos na ito ay may kinalalaman sa responsibilidad ng magulang na turuan, sanayin at ihanda sa kinabukasan ang kanilang mga anak upang sila ay lumaking mga productive citizens ng ating bansa.
Nauunawan ng isang makabayang Pilipino na ang ama at ina ng tahanan ang primary values educators ng kanilang mga anak. Sila ang dapat pangunahing guro sa pagtuturo ng mabuting asal sa kanilang mga anak at hindi ang public, private o Sunday school. Ang pagtatatag ng pamilya ay nagsisimula sa pag-aaral at pagtuturo ng tamang pananaw sa buhay at mundo. Ang tamang pag-unawa sa kahulugan ng kung ano ang totoo, mabuti at tama ang naglalaan ng matibay na sandigan sa buhay ng tao.
Dahil sa mahirap makakita ng magandang trabaho at sapat na suweldo dito sa ating bayan, milyon na sa ating mga kababayan ang namamasukan sa ibang bansa o sa mga iba’t ibang claseng barko. Milyon-milyong mga anak ang walang ama o walang ina sa mahabang panahon at walang nagtuturo sa kanila ng values. Ang tanong ay ito: Paano magagampanan ng mga magulang ang utos ng Diyos na turuan nila ang kanilang mga anak kung sila ay nasa malayong lugar? Ano ang naghihintay na kinabukasan para sa mga batang ito? Bagamat totoo na kung hindi dahil sa mga pinapadalang pera ng ating mga OFWs, matagal nang lumubog ang economiya ng bayan at marami na ang mga nangamatay sa gutom. Subalit, dapat din nating alalahanin na matapos nang napakahabang panahon ng panunungkulan sa ibang bansa, pag-uwi ng karamihang OFWs ay problema pa rin sa pera at pamilya ang kanilang haharapin.
Sa mga relocation areas, mapagmamasdan natin ang mga eksenang kung saan ang mga magulang, babae man o lalaki, ay nagkukumpulan para magsugal. O kaya nama’y mga kalalakihan na nag-iinuman sa kalsada. Mayroong perang pang-sugal o pang-inom ngunit walang pera para maipadala sa eskuwelahan ang mga anak. Anong klaseng value system ang ipinamumulat ng mga magulang na ito sa kanilang mga anak? Paano magiging kapaki-pakinabang ang buhay nila sa kanilang barangay?
Nobenta por siyento sa mga Pilipino ang nagsasabing sila ay Cristiano. Alam natin na ang relihiyong Cristianismo ay may taglay na value system. Subalit ang mapagmamasdan natin sa ating mga kababayan na nagsasabing sila ay Cristiano ay walang alam patungkol sa pilosopiya ng buhay na ipinangaral ni Cristo na masusumpungan sa Bagong Tipan, at kung sila man ay may nalalaman, wala naman silang pagpapahalaga dito. Ang sabi ni Archbishop Lagdameo ay ito: Ang simbahang Catolico sa Pilipinas ay bigo sa pagtuturo ng values ni Cristo. At dahil sa hindi nagtatagumpay ang Iglesya sa pagpapalaganap ng values ni Cristo, kinailangan pa na mag-issue ng executive order ang dating pangulong GMA na ituro ang values na dinala ni Jesus dito sa mundo. Samaka-tuwid, tunay na hindi pa natututuhan ng ating mga kababayan kung ano nga ba ang mga values ni Cristo. Ang resulta nang pagiging mangmang patungkol sa pananaw sa buhay at mundo na ipinangaral ni Cristo ay ang napagmamasdan nating clase ng pamumuhay dito sa ating bayan. Sa mga tahanan, sa mga lansangan, sa simbahan man o sa gobyerno ang napagmamasdan o nababalitaan natin ay puro na lamang pagsuway sa utos ng Diyos. Ang makabayang Pilipino ay marunong sumunod sa utos ng Diyos.
Sa institusyon naman ng Simbahan, may mga mapag-aalaman tayong mga church leaders na abusado. Ang nais nila ay sila ang pinag-lilingkuran. Subalit ang sinabi ni Cristo ay ganito: Siya ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa marami.
Ayon sa values ni Cristo, responsibilidad ng iglesya ang pagpapakain sa mga nagugutom, ang pagbibigay ng tubig sa mga nauuhaw, ang paglalaan ng mahihimlayan sa mga walang matirhan, ang pagdadamit sa mga gusgusin, ang pagbibisita sa mga may sakit at nasasa kulungan. Subalit sa ating panahon, ang mga ito ay ginagampanan ng gobyerno, by default. Ang makabayang Pilipino ay mapagkawang-gawa. Sa ating panahon, nararapat na siguruhin ng mga church leaders na naihahanda nila ang kanilang mga miyembro sa pagiging asin at ilaw ng kani-kanilang communidad at hindi iaasa na lamang ang gawaing ito sa gobyerno.
Ang Estado naman ay ang institusyon na may responsibilidad sa pamamahala ng sambayanan. Ang mga tungkulin ng gobyerno ay ang mga sumusunod:
1) Pagtatanggol ng buhay at ari-arian ng mga mamamayan,
2) Pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa, at
3) Pagtataguyod ng kasaganaan ng mga mamamayan, kasama na rito ang pangangalaga ng kalikasan at pagtatanggol ng karapatan ng mga ordinaryong manggagawa laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Itinuturo ng Bibliya na inaarmasan ng Diyos ang mga gobyerno upang maisakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin. Kaya nga mayroon tayo dito sa Pilipinas na mga mambabatas (legislative branch), taga-approve ng mga batas na isinasagawa ng congreso at taga-enforce ng mga batas na ito (executive branch), at taga-interpret ng batas kung ito ay sang-ayon sa constitusyon ng bayan (judiciary branch).
Ang legislative branch ay bicameral o may dalawang camara. Ang Senado ay naglilingkod bilang upper house at ang House of Represent-atives bilang lower house. Ang termino ng senador ay 6 na taon at ang congressman naman ay 3 na taon. Kasama sa gawain ng legislative branch ang magsaayos ng mga programa para sa ikauunlad ng bayan.
Ang executive branch ay pinamumunuan ng presidente sapagkat ang atin bansa ay isang constitutional republic na may presidential system of government. Ito ay pinamamahalaan bilang unitary state (with the exception ng Autonomous Region ng Muslim Mindanao o ARMM). Ang Presidente ay namumuno bilang head of state at head of government at siya ang commander-in-chief ng armed forces. Siya ay may 6 year-term. Pinag-uusap-usapan sa ating panahon sa ilang sulok ng lipunan kung mas mabuti kaya na magswitch tayo sa isang federal system of government tulad ng sa America upang maiwasan ang sobrang concentration ng power sa isang opisina ng gobyerno.
Ang judicial branch naman ay pinamamahalaan ng Supreme Court na binubuo ng isang chief justice at 14 associate justices na lahat ay appointed ng presidente mula sa mga ninonominate ng Judicial and Bar Council.
Mahalaga na pangalagaan ng Estado ang dalawang prinsipyo ng good governance – – separation of powers and checks and balances. Kapag hindi pinangatawanan ng gobyerno ang mga prinsipyong ito tiyak na lalaganap ang corruption hanggang sa kalawangin ang buong sistema ng gobyerno na mauuwi sa dagdag hirap sa mahihirap at dagdag yaman sa mga magaling mangurakot. Kung controlado ng isang tao ang executive, legislative at judicial branches of government, sino ang makapipigil sa nais niyang gawin?
Ang tanong ay ito: Kung pagmamasdan natin ang mga nakaupo sa ating national at local governments, pinapractice nga kaya nila ang prinsipyo ng separation of powers at checks and balances? O, ang makikita natin ay ang patuloy na pagkauhaw sa kapangyarihan ng ating mga politicians na nauuwi sa concentration of powers?
Sa larangan naman ng negosyo, ang mga relebanteng tanong sa ating panahon ay ito:
1) ang negosyo ba ay legal?
2) nagbabayad ba ng legal na sahod ang mga negosyante?
3) naglalaan ba sila ng safe environment para sa kanilang mga manggagawa?
4) nagbabayad ba sila ng mga tamang buwis?
5) hindi ba nakagagawa ng panganib ang pagsasagawa nila ng kanilang pangangalakal?
6) ginagawa bang gatasan ng mga negosyante ang ating gobyerno?
Ang primary exports natin ay semiconductors, electronic products, transpost equipment, garments, copper products, petroleum products, coconut oil and fruit. Ang mga major trading partners natin ay China, Japan, the US, Singapore, Saudi Arabia, South Korea, Thailand and Malaysia.
Sa total labor force natin na mga 38 milyon, ang agriculture sector na nag-eemploy ng 32% ay nagdadagdag lamang ng 14% sa ating Gross Domestic Products o GDP (ang monetary value ng lahat ng goods at services na ating prinoduce sa loob ng ating bansa sa loob ng isang panahon, tulad ng isang taon; and GDP ay ginagamit na panukat ng laki ng ating economiya.) Samantala, ang industrial sector na nag-eemploy ng 14% ay nagkakarga ng 30% sa ating GDP at ang 47% sa service sector ay nagpapasok ng 56% sa ating GDP. Kaya nga ang ating economiya ay palipat na nang palipat mula agriculture based tungo sa service and manufacturing based. Subalit huwag sana nating kalimutan na maraming bansa sa mundo na mayaman kung hindi sobrang yaman na ang mga mamamayan naman ay problemado, malungkot at walang nakikitang pag-asa sa buhay.
Ang isang malungkot na resulta ng over population ay ang over supply ng labor na nauuwi sa maliit na suwelduhan. Sa kasalukuyan, mga ibang bansa ang nakikinabang ng mga mahuhusay nating mga professionals at skilled laborers. Nakalulungkot, subalit ito na ang realidad sa ating bayan. Grabe na ang unemployment at under-employment. Kaya nga hindi na dapat pagtakhan ang malaking bahagi ng underground economy (tulad ng jueteng, shabu, prostitution, organ sale, illegal logging, techno-piracy, smuggling, lagay at kotong, at iba pa) sa pagpapaikot ng economiya ng Pilipinas. Ang makabayang Pilipino ay nakauunawa ng napakasamang epekto ng masamang business practices at underground economy sa kaunlaran ng sambayanang Pilipino at siya ay hindi nasasangkot dito.
Maaari nga na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, tulad ng sinabi ni Jose Rizal. Subalit, kung hindi sila magkakaroon ng tamang pananaw sa buhay at mundo malamang na magtatampisaw din sila sa putik ng corruption. Kailangan nila ang mga magtuturo, magsasanay at magkakasangkapan sa kanila ng values na dinala ni Cristo dito sa mundo upang tunay na sila ay maging ahente ng pagbabago ng ating bayan. Ang mga teacher, trainor at equippers na ito ang kanilang mga magiging role-models, na kailangang kailangan nila sa ating panahon. Ang makabayang Pilipino ay tinitingalang role-models ng kabataang Pilipino.
Sa pagsusuma, ang makabayang Pilipino ay makikilala sapagkat siya ay:
1. Marunong magpasakop sa awtoridad kung saan siya ay nakapa-ilalim.
2. Marunong sumunod sa batas ng Diyos, sa batas ng bayan at maging sa mga ordinansiya ng barangay.
3. Hindi takot manindigan.
4. Nalalaman niya na ang pagpapalakas ng pamilya ang simula ng pagpapalakas ng bayan. Handa siyang magpagal at mag-sakripisyo para sa ikatatatag ng kanyang pamilya.
5. Nakauunawa na ang ama at ina ng tahanan ang primary values educators ng kanilang mga anak.
6. Mapagkawang-gawa.
7. Nakauunawa ng napakasamang epekto ng masamang business practices at underground economy sa kaunlaran ng sambayanang Pilipino at siya ay hindi nasasangkot dito.
8. Tinitingalang role-model ng kabataang Pilipino.
Ika-Apat na Bahagi: Ang Pagiging Makakalikasan